Rustaf--the Place for the Family


Bookmark and Share
 
 
 
 
NOV
28
2016
Ang sarap talagang kumain, uminom, magvideoke, magsayaw at magjamming kasama ang ating mga kabarkada o pamilya. Alinsabay dito ang pagbuo ng mga masasayang alaala habang magkakasama. Kung naghahanap ka ng magandang venue na may malawak na espasyo at masarap na pagkain para sumaya ang isang selebresyon o kahit simpleng salu-salo? Rustaf na ang bahala sayo.
Ang Rustaf: the place, ay isang Resto Bar at Snack House na matatagpuan sa Quezon St. Brgy. Zone I Poblacion na pinamamahalaan ni Katherine E. Velasco.

Ayon kay Kath, dahil sa ideya ng dating Punumbayan ng Atimonan na si Atty. Jose F. Mendoza na magkaroon ng isang Resto Bar at Videoke Bar na mayroong malawak na lugar upang kumain at magkasayahan ang ma Atimonan. Ito ang dahilan kung kaya naman naisipang itayo ang Rustaf noong June 2011.

Noong una ay gabi lang nagbubukas ang Rustaf pero dahil sa gusto nilang maibahagi ang sarap ng kanilang pagkain maging sa mga kabataan ay naisipan nilang magbukas ng mas maaga kung para sa ibang resto bar. Mula alas otso ng umaga hanggang alas dos ng madaling araw ay handa silang ipatikim ang kanilang malalamig na inumin at masasarap na pagkain.


Wala ka na talagang hahanapin pa kapag nagpunta ka sa Rustaf kasi mula agahan hanggang hapunan ay marami kang pagpipilian, idagdag pa ang kanilang mga masarap na burgers at sandwiches na patok na pang-meryenda.
Kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit dinarayo ang Rustaf ng mga tao mapa-estudyante man o mga nagtatrabaho sa opisina dahil ito ang tamang lugar kung saan pwede kang mabusog, mag-relax at mag-videoke ng walang sawa na alam naman natin ay ito ang pambansang pangtanggal stress na yata ng mga Atimonanin.

Isa ang Rustaf sa mga masaya at tamang lugar upang ipadiwang ang iyong kaarawan, promosyon sa trabaho o maging ang inyong anibersaryo dahil kaya nilang tumanggap ng hanggang 150 na dami ng mga tao na handang maging bahagi ng isang espesyal na araw sa buhay mo.
Meron din silang fully air-conditioned VIP room na may sariling videoke na kasya ang hanggang labing limang katao kung nais mo ng pribadong lugar para sa inyong business meeting o intimate celebration.

Mula araw ng lunes hanggang huwebes ay ang kanilang Videoke Night kung saan non-stop ang pagkanta sa kanilang videoke ng libre kaya ikondisyon mo na ang iyong lalamunan dahil siguradong mapapalaban ka ng kantahan at biritan.
Tuwing araw naman ng biyernes hanggang linggo ay ang kanilang Acoustic Night kung saan ay mapapanuod mo ang live acoustic performance ng kanilang magagaling na gitarista at mang-aawit. Maari ka ring mag-request ng mga awitin na nais mong pakinggan, pero kung nais mong umawit ay malaya kang kumanta sa kanilang entablado upang iparinig ang iyong nagniningning na tinig.

Maganda man o sintunado ang boses mo ay hindi na mahalaga dahil kapag nasa loob ka ng Rustaf mas importanteng ang lahat ay masaya.
Kapag nakaramdam ka ng gutom dahil sa iyong pagkanta o pagsayaw sa kanilang dance floor ay hindi mo dapat palampasin ang kanilang best seller na Cheezy Nachos at Clubhouse na talaga naman bubusog sayo.
Ayon kay Kath oras na matikman mo ang kanilang Cheezy Nachos ay hahanap-hanapin mo na ito dahil sa sarap na kanilang special sauce na binubuo ng labing limang sekretong sangkap.

Dagdag pa ni Kath, nakailang subok sila bago nila nakuha ang perpektong timpla ng special sauce na ito.

Samantala siguradong matutuwa ang iyong sikmura kapag natikman mo ang pangalawa nilang best seller na Clubhouse sandwich. Ito ay pinalamanan ng mga sariwang gulay tulad ng lettuce, kamatis at pipino. Idagdag pa ang malaking hiwa ng hamon at keso na mayroong espesyal na timpla ng sauce na nakapalaman sa tatlong semi-toasted na tinapay. Talaga namang iniisip mo palang ay matatakam ka na.

Isa sa mga kapansin-pansing signature service ng Rustaf ay ang malutong na French fries na kasama ng libre sa bawat order mo ng kanilang burger at sandwich. Bukod dito ay mayroon ding kasamang libreng kape o iced tea kapag nag-order ka ng kanilang Breakfast Meal.

Ito ang nais ng Rustaf, ang makilala sila sa mga pagkain na masarap sa abot kayang halaga, kaya mahigit sa 40 na uri ng pagkain ang maaari mong pagpilian sa kanilang menu. Nariyan ang mga Finger Foods na perfect partner ng kanilang malamig na beer. Meron din silang Sizzling Foods, Breakfast Meals, ibat-ibang luto ng pasta, pancit at marami pang iba.

Sa buong bayan ng Atimonan, sa Rustaf mo lang din matitikman ang Mojos o ang deep fry, thin sliced breaded potatoes na sa sobrang sarap, siguradong hindi ka mamimigay.
Hindi rin magpapahuli sa dami ng mga inumin ang Rustaf. Marami kang pagpipilian sa kanilang Cold Refreshments. Nariyan din ang masasarap at malamig ng mga Frappucino, isa sa mga best seller Frappe nila lalo na sa mga kabataan ay ang kanilang Chocolate Frappucino.

Meron din silang malamig na mga beer at red wine na masarap inumin habang nagkakantahan kasama ang iyong mga kaibigan. Makikita mo rin sa kanilang bar ang ibat-ibang collection ng mga mamahalin at bibihira ng makita sa merkado na mga alak. Ayon pa kay Kath, dito naka-display ang rare 30 years old na alak ni dating Mayor Atty. Jose Mendoza.

May nakatalaga din silang exclusive smoking area para mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga hindi naninigarilyong customer. Makikita mo din sa loob ng Rustaf ang kanilang Freedom Wall kung saan ay malaya ang sinuman na maglabas ng kanilang mga hugot at drama sa buhay.

Isa sa mga magandang bagay sa Rustaf ay ang pagtanggap nila ng mga suhestyon mula sa kanilang mga customer upang mapaganda pa lalo ang kanilang serbisyo. Nito lamang nakaraang buwan ng Oktobre ay nagsagawa sila ng mga patimpalak tulad ng Acoustic Band Competition at Twerk Competition bilang pakiki-isa sa October Fest. Ayon pa kay Kath patuloy silang maghahatid ng mga bagong ideya upang maaliw at mapasaya ang kanilang mga mahal na costumer.

Dahil malapit ang Rustaf sa Maharlika high way, sa isang gasoline station at hotel ay kilalang-kilala na sila sa mga biyahero at motorista. Ayon kay Kath kapag nagbukas ang gasoline station malapit sa kanila ng 24 hours ay posibleng magbukas na rin ng 24 hours ang Rustaf upang lalo pa nilang mapagsilbihan ang mga tao ng kahit na anong oras.

Mapalad ang Atimonan dahil mayroon tayong mga establisyemento tulad ng Rustaf upang maging lugar ng mga selebrasyon at pagdiriwang o simpleng pagsasama-sama ng mahahalagang tao sa ating buhay.

Ang lugar na ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong pagkakataong magkakwentuhan at magkumustahan. Ang lugar na ito rin ang dahilan kung bakit may matamis tayong ngiti sa ating mga larawan at selfie, ang dahilan ng malulutong nating tawanan at masasayang karanasan. Ito ang Rustaf, ang dahilan kung bakit magkakaroon kayo ng matibay na samahan.
 
Bookmark and Share